Wednesday, 22 June 2011

RIGODON sa LONDON ...



Disclaimer: This was written not to offend anyone. What I wrote here was purely based on observations and was a product of my sheer melancholic tendencies. I'm no angel. Actually, I'm the complete opposite. Open your mind, people.

---------------------------------------------------------------------------------------------

Sa bawat araw na lumilipas, walang kahit na mumunting buhay o sigla ang mababanaagan sa aking katauhan. WALANG INSPIRASYON. Ang bawat araw ay hindi naiiba mula sa kahapon. At ang kahapon ay magsisimula at magtatapos kahalintulad ng magaganap sa kinabukasan.

Magsisimula ang araw na papasok sa ospital, magtatatrabaho, kakain, at makikisalamuha sa mga katulong sa industriya ng panangalaga sa mga may pinakakritikal na karamdaman sa aming pagamutan. Kailangan suotin sa lahat ng panahon ang huwad na mga ngiti dahil hindi maaaring mabanaagan ng kahit ninuman ang bigat ng aking mga dalahin. Sa kabila nito, kailangan magpatuloy ang buhay. Kailangan mag-impok at itaguyod ang sarili. Kahit wala ng pag-asang namumuo sa aking puso at isipan, wala din naman ibang patutunguhan kung isaisantabi ko na lamang ang aking propesyon dulot ng malalim at sadyang mapanubok na pinagdadaanan.

Ano nga ba ang naghihintay sa kinabukasan – kung ang bawat bukas ay tulad ng ngayon, at hindi rin naman naiiba sa kahapon?

Sa maliit na mundong ginagalawan ng mga Pilipino sa Inglatera, mapait na katotohanan na palasak na lamang ang pagkakasiraan ng bawat magandang pagtitinginan – bawat relasyon ay nauuwi sa hiwalayan at bawat hiwalayan ay nagdudulot ng mapait na karanasan. Tila nagkakaroon ng “Rigodon” ang bawat Pilipino sa nagaganap na pagpapalitan ng kasintahan. Ang sa iyo ngayon ay akin bukas. At ang akin ngayon ay maaaring nasa piling na ng iba bukas. Sa kapaligiran na malayo sa mga pinakamalalapit na kapamilya, ang bawat isa ay naghahanap ng pagkalinga, pagmamahal at pagtanggap mula sa isa't isa.

Rigodon – isang sayaw na ipanasa sa atin ng mga Kastila kung saan ang bawat isa ay nagpapalit palit ng kapareha. Ang bawat mananayaw ay magkakaroon ng pagkakataon na makasayaw ang iba pang mananayaw. Kahalintulad ng sayaw na ito ang mga kalidad ng relasyon dito sa London. Nakakagulat na lamang na ang iyong kakilala na si Juan ay dating kasintahan ni Pedro, at si Pedro ay kasalukuyang kasintahan ni Pablo, na dati rin naman kasintahan ni Juan...

NAKAKAKALITO .. NAKAKALOKO... NAKAKAPANLUMO..

Pagod na ako sa mga laro.. Pagod na ako sa Rigodon.. Pagod na ako sa mga panunutya at panghuhusga.. Mas mainam pa nga siguro ang mag-isa. Walang kumplikasyon. Walang pananagutan.. --- Wala nga lang din tunay na kasiyahan at kaganapan ang buhay..

NAKAKAPAGOD NA..

Kaya kung gusto mo pa, sige makisayaw lang.. Hanggang sa sumakit ang iyong mga paa.. At madapa sa mga panganib ng rigodon...

HANGGANG KAILAN KAYA..

No comments:

Post a Comment